Matapos ang tatlong linggo nang magsimula ang Alapan 1 Elementary School sa Limited Face-to-Face Learning, patuloy pa rin tayo sa pagtanggap ng ibang institusyong pang-edukasyon para maibahagi ang husay ng Alapenyo. Isa na sa mga institusyong ito ang St. Edward School na matatagpuan sa Lancaster New City, Alapan, Imus Cavite na bumisita sa ating paaralan noong Marso 2, 2022.
Dumating ang mga guro ng St. Edward School sa ating paaralan ng ika-8 ng umaga, ilang minuto matapos makapasok ang mga bata sa mga silid-aralan at magsimula ng klase. Upang mapanatili ang kaligtasan ng mga bata, guro at ibang kawani ng Alapan 1 Elementary School, lahat ng pumapasok sa ating paaralan ay nangangailangang dumaan sa mga nailatag na pag-iingat laban sa COVID-19. Simula sa paghuhugas ng kamay, pagpapahid ng alcohol, pag-alam sa temperatura at pagpapasa ng health declaration form ay naranasan lahat ng mga kawani ng St. Edward School.


Malugod na tinanggap ng ating Punong Guro, Dr. Divina Narvaez, kasama ang ating Guidance Teacher, Ms. Marlyn Alegro ang ating mga bisita mula sa St. Edward School. Unang ipinakita sa kanila ng ating punong guro ang mga silid-aralan ng ika-lima at ika-anim na baitang. Masaya namang silang binati ng ating mga mag-aaral at ipinamalas ang tamang pag-uugali ng batang Alapenyo. Sa paglilibot ng mga kawani ng St. Edward School sa ating paaralan, isa-isa nilang tiningnan ang mga kinakailangang pasilidad para sa Limited Face-to-Face Classes tulad ng washing area, palikuran at quarantine room. Nasaksihan din nila ang pagkakaayos ng bawat silid-aralan na mayroon pagpapanatili ng social distancing at “no physical contact” sa mga bata.
Sa huling bahagi ng kanilang pagbisita, sila ay inanyayahan ng ating punong guro sa loob ng School-Based Management (SBM) Room, para sa karagdagang pagtalakay sa mga paghahanda ng Limited Face-to-Face Learning.









