Nationwide Simultaneous Earthquake Drill 2022- Alapan 1 Elementary School
Nationwide Simultaneous Earthquake Drill ay isang pagsasanay ng kahandaan sa kalamidad lalo na sa lindol. Ito ay isinasagawa sa gabay ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pangunguna ng Office of Civil Defense. Sa pagsasanay na ito ay inaanyayahan ang lahat ng mamamayan, tanggapan ng pamahalaan, pampublikong institusyon at pribadong organisasyon. Ang kahandaan ng publiko ay mahalaga upang maiwasan na maraming mapahamak sa panahong nagkakaroon ng lindol. Hindi kaila sa karamihan na isa ang ating bansa sa madalas yanigin ng nasabing kalamidad dahil na rin sa kinalalagyan ng ating bansa sa Asya. Ang Pilipinas ay kabilang sa bansang dinadaan ng Pacific Ring of Fire. Sa lugar na ito matatagpuan ang mga pinakaaktibong bulkan sa mundo kung saan madalas ang pagkakaroon ng Volcanic Earthquake.



Kaya sa bisa ng Batas Republika Bilang 10121 na mas kilala sa “Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010“ at SDOIC Division Memorandum No. 69 s. 2022 “Conduct of the 2022 1st Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED)”, ang ating paaralan ay nagkaroon ng malawakan pagsasanay sa muling pagsasagawa ng mga dapat gawain tuwing may lindol. Sa oras na 8:00 AM noong ika-10 ng Marso, 2022, nagkaroon ng maikling oryentasyon sa mga mag-aaral sa pangunguna ating School Disaster Risk Reduction and Management. Ang ating SDRRM ay kinabibilanangan ng ating Punong Guro, Dr. Divina Narvaez kasama ang ating SDRRM Coordinator Mr. Arly Flores at SDRRM Assistant Coordinator Ms. Alana Mae Granado.

Sa ganap naman na ika-9 ng umaga ng nasabing araw ay nagsimula ang aktwal na pagsasagawa ng drill. Sa gabay ng ating mga guro ay maayos na naipakita ng ating mga mag-aaral sa Limited Face-to-Face Classes, Online Classes at Printed Modular Classes ang kahandaan sa lindol. Ngunit, dahil pa rin sa ating maingat na pagpapanatili ng tamang social distancing, hindi muna pinahintulutan sa ang pagsasagawa ng huling bahagi ng drill kung saan inaasahan pupunta ng mga kalahok sa itinakdang evacuation area sa loob ng ating paaralan. Ang hindi pagsasagawa nito ay para na rin maiwasan ang pagkakaroon ng siksikan na ipinagbabawal pa rin ayon sa alituntunin ng IATF-EID.
“Ang bawat drill na isinasagawa natin ay isang paraan ng paghahanda ng bawat isa para sa lindol na patuloy nating isinasakatuparan. Nakakaaranas man tayo ng iba’t-ibang pagsubok ngunit patuloy pa rin tayo sa paghahatid ng kalidad na kaalam sa ating mga batang Alapenyo sa iba’t ibang modalities na mayroon ang ating paaralan.” ang naging komento ni Ms. Granado. Ang ating paaralan ay patuloy na magiging daan upang mas maiparating natin sa mas marami pang tao ang mga ganitong kaalaman tungo sa pag-iingat ng bawat isa. Tulad ng palagi sinasabi ng ating SDRRM Coordinator, Mr. Arly Flores “Ligtas ang May Alam



